Bugaw ng mga 'Alupihang Dagat' nilikida

Pinatay ng isang hindi nakikilalang lalaki ang isang babae na hinihinalang umano’y bugaw ng mga babaeng prostitute na umaakyat sa mga barko, kahapon sa Port Area Manila.

Nagtamo ng tama ng bala sa ulo ang biktimang nakilalang si Luz Limbo, 30, ng Isla Puting Bato, Port Area Manila.

Sa sketchy report, naganap ang insidente dakong ala-1:30 kahapon ng hapon sa naturang lugar nang bigla na lamang paputukan ng hindi nakikilalang suspect ang biktima.

Wala namang makuhang impormasyon ang mga rumespondeng mga imbestigador sa WPD Homicide Division dahil sa walang gustong magsalita sa mga residente kung sino o ano ang itsura ng pumaslang sa biktima.

Nabatid naman na isa umanong bugaw ang biktima na nagsusuplay ng mga babaeng prostitute na kilala sa taguring mga ‘Alupihang Dagat’ sa mga tauhan ng barko sa Manila Bay.

Patuloy naman ang isinasagawang imbestigasyon sa naturang insidente. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments