2 nasawi sa hiwalay na sunog

Isang 7-anyos na nene at isang 61-anyos na lola ang kapwa nasawi sa sunog na naganap kahapon ng madaling araw sa Sta. Cruz, Maynila at Pasay City.

Sa insidenteng naganap sa Maynila, nasawi dito ang batang si Rica Anne Katangian, ng Fugoso St., Alonzo Sta. Cruz makaraang makulong sa nagliliyab nilang bahay dakong alas-2:03 ng madaling araw.

Ayon sa lolang si Norberta Cordero, iniwan umano niya ang kanyang apong si Rica Anne na mag-isa sa loob ng bahay para maagang makapunta sa palengke, ngunit pagbalik niya kinaumagahan ay abo na lamang ang kanyang dinatnan.

Nabatid na nahirapan ang mga bumbero na apulahin ang pagkalat ng apoy dahil sa kipot ng daan.

Samantala, sa Pasay City isang 61-anyos na lola ang inatake sa puso at namatay dahil sa matinding takot matapos masunog ang isang paaralan at anim na kabahayan na nagsimula dakong alas-11:37 ng gabi kamakalawa.

Nasawi sa sunog si Linda Hunoras, ng 2176 P. Dandan St. Tramo, Pasay City.

Ayon sa ulat, natupok ang ikalawang palapag ng Epifanio Elementary School na matatagpuan sa panulukan ng Tramo at Villanueva Sts., sa nabanggit na lungsod. Labing-apat na classroom ang natupok ng apoy.

Nadamay din ang anim na kabahayan na nakitirik sa likod ng nabanggit na paaralan kung saan dito na inatake sa puso si lola Linda nang makitang nagliliyab na ang kanilang bakuran.

Tinatayang aabot sa P200,000 ang mga ari-ariang nilamon ng apoy. (Ulat nina Danilo Garcia at Lordeth Bonilla)

Show comments