Sa resolution ng District Inspectorate Unit ng Southern Police District Office, si Supt. Efren Ysulat, Deputy Chief of Police ay kinasuhan ng serious neglect of duty habang sina SPO4 Arsenio Mangulabnan ay paglabag sa RA 9165; SPO1 Jose Magallanes, dishonesty at PO1 Randy Santos, insubordination. Bukod pa ang kasong grave misconduct na isinampa din laban sa apat.
Batay sa imbestigasyon, wala umanong ginawa si Ysulat na hepe ng Drug Enforcement Unit (DEU) matapos na mabunyag ang recycling ng shabu na umanoy ginagawa ni Mangulabnan base na rin sa ginawang pagbubunyag ng apat na drug pusher na si Rosalie Geronimo; Modesto Loreto; Zaldy dela Peña at Lory Gamboa na pawang mga nakakulong sa Makati City Jail.
Si Magallanes naman ay nagsumite ng fictitious incident report habang si Santos naman ay nabigong magbigay ng kanyang counter affidavit hinggil sa naging akusasyon sa kanya.
Sa 11-pahinang nilagdaang resolution nina Sr. Supt. Ronald Sabug, ng DIU at Supt. Leonardo dela Cruz, pre-charge investigator, inirerekomenda din na sibakin na sa Makati City Police sina Ysulat, Magallanes at Santos at ilipat sa headquarters ng SPDO dahil si Mangulabnan ay nauna nang inilipat dito.
Kasabay nito, inutos din ng DIU na ibalik na sa Makati City Police ang anim na pulis na unang nasangkot sa kaso sa pangunguna ni Supt. Jose Ramon Salido kung saan hahawakan pa rin nito ang puwesto bilang hepe ng Criminal Investigation Division matapos na mapatunayang walang kasalanan.
Binalaan din ni Sabug si Makati City Police chief Sr. Supt. Jovy Gutierrez na kanyang kakasuhan kung babalewalain ang resolution ng DIU. (Ulat ni Lordeth Bonilla)