Ayon sa NCRPO, isinumite na ng CPD kay NCRPO chief Director Ricardo de Leon ang mga pangalan ng mga pulis na responsable sa salvaging partikular na sa huling apat na mga biktima na sina Roel Alano; Eduardo Adanza at ang magkapatid na sina Rafael at Raymundo Gromo, pawang mga residente ng Brgy. Batasan Hills, Quezon City.
Gayunman, tumanggi munang ibunyag ng NCRPO ang mga pangalan nito sa pangambang mabulilyaso ang kanilang imbestigasyon laban sa mga ito.
Subalit aminado ang NCRPO na wala ring kahihinatnan ang kaso kung hindi makikipagtulungan sa kanila ang mga pamilya ng mga naging biktima.
Magugunitang kamakailan ay hinikayat ng CPD at NCRPO ang mga pamilya ng biktima na pormal na magharap ng reklamo sa mga pulis na itinuturo nilang sangkot sa pagpaslang sa kanilang mga kaanak.
Matatandaan na ang mga suspect ay kinilala lamang ni Mrs. Corazon Gromo, ina ng magkapatid na Gromo sa pangalang Larry, Novie, Steeve at Kamandag. (Ulat ni Doris Franche)