Sa ulat ng Philippine Coast Guard (PCG), nagbanggaan ang M/V St. Joseph the Worker ng Negros Navigation Corp. na patungong Bacolod City at ang cargo vessel na M/V Sea Celebrity.
Ayon kay Lt. Armand Balilo, tagapag-salita ng PCG, nagmamaniobra ang M/V St. Joseph palabas ng breakwater ng North Harbor nang bigla umanong sumulpot ang M/V Sea Celebrity at nagkasalpukan.
Nagsigawan naman ang may 647 pasahero at nagulat ang 80 crew ng M/V St. Joseph dahil sa malakas na pagkayanig sa banggaan. Mabuti na lamang umano at walang nagtangkang tumalon sa mga pasahero sa gitna ng pagpapanik.
Inilipat naman ang mga pasahero at crew ng barko sa kapatid na barkong M/V San Paulo ng Negros Navigation habang pinag-aaralan kung gaano kalaki ang pinsala sa M/V St. Joseph.
Nabatid sa inisyal na imbestigasyon na nagkamali ang Thailand cargo vessel na M/V Celebrity na ay lulang mga troso sa pagdaan sa ruta ng M/V St. Joseph na nakalaan lamang sa mga pampasaherong barko.
May nakalaan umanong entrance buoy ang North Harbor para sa mga cargo vessel.
Sinabi ni M/V St. Joseph Capt. Leo Inocencio na namonitor nila agad sa kanilang radar ang paparating na cargo vessel na kanyang niradyuhan. Hindi naman umano sumagot ang kapitan ng kabilang barko at nagtuluy-tuloy ito sa pagtakbo sa kanilang daan hanggang sa magkabanggaan.
Nagsasagawa naman ngayon ng partial investigation ang PCG at Maritime Industry Authority (MARINA) upang mabatid kung sino sa dalawang barko ang may pananagutan sa aksidente. (Ulat ni Danilo Garcia)