Ipinanukala ng National Police Commission (NAPOLCOM) na alisan ng mga bulsa ang uniporme ng mga pulis para walang mapagtaguan ng pera, nang sa gayon ay makaiwas sa pangongotong.
Sa bagong panukala ni DILG Secretary at NAPOLCOM Chairman Angelo Reyes binanggit nito na marapat lamang na tanging ang name plate lang ang nakalagay na borloloy sa uniporme ng mga pulis at wala na kahit isang bulsa.
Kasabay nito, ipinanukala rin ng NAPOLCOM sa lahat ng traffic police na kapag may hinuling mga driver na lumabag sa batas trapiko sila na ang lalapit dito o di kaya ay sila na ang aakyat sa bus para masaksihan ng mga pasahero ang kanilang pakikipag-transaksyon.
Layunin ng mga bagong panukalang ito na kung hindi man tuluyang masupil ay mapigilan man lang ang mga pangongotong ng mga awtoridad partikular na sa lansangan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)