Iniharap kahapon sa mga mamamahayag ni NBI director Reynaldo Wycoco ang mga suspect na sina Marcelo Guese, 57, ng Pasay City; Danilo Langilao; Abdul Hamid McArthur; Anacleto Aporto at Rolie Precioso.
Sa imbestigasyon ng NBI sangkot si Guese sa pagbebenta ng mga pekeng mission order (MO), memorandum receipts (MR), appointment at authentication card buhat sa AFP-CRS kapalit ng halagang buhat sa P2,000 hanggang P5,000.
Ang pagdakip sa mga suspect ay bunsod sa reklamong iniharap ng magkapatid na Diamadil at Ismael Mangumpig na kapwa nagbigay kay Guese ng tig-P3,000 para sa MO at MR. Natuklasan naman nila na peke ang mga ito nang hulihin si Diamadil ng isang pulis noong Hulyo 13 dahil sa posesyon ng baril.
Dahil dito, isinagawa ng NBI ang entrapment operation laban kay Guese at apat pa nitong kasabwat. (Ulat ni Danilo Garcia)