Kasalukuyang nakapiit habang inihahanda ang kaukulang kaso laban sa suspect na si Gener Santos, 21, ng Phase 9, Package 7-C, Lot 1, Block 23, Bagong Silang ng nasabing lungsod.
Hindi na halos makilala dahil na rin sa ilang araw nang pagkakabaon sa likod ng bahay ng suspect ang biktima. Gayunman sa isinagawang imbestigasyon, sinasabing isang Maricar Esguerra ang biktima na kinilala ng kanyang mga kaanak sa suot nitong damit.
Batay sa isinagawang pagsisiyasat ng Caloocan City Police, naganap ang insidente noong Agosto 1, dakong alas-10 ng gabi sa loob ng video shop na pag-aari ng ama ng suspect na matatagpuan sa naturang lugar.
Ayon pa sa ulat, kasalukuyang naglalaro ang limang kabataan sa nabanggit na video shop kasama ang nag-iisang dalagitang biktima nang sabihan ito ng suspect na tumigil na sa paglalaro dahil magsasara na sila subalit binalewala lamang ito ng lima na naging dahilan sa pagkakaroon ng mainitang pagtatalo sa pagitan ng mga ito.
Ayon sa suspect, isa sa mga kabataang lalaki ang bigla na lamang bumunot ng patalim at inundayan siya ng saksak ngunit nasalag niya ito ng kanyang kamay kung saan bagamat sugatan ay nagawa niyang maagaw ang patalim na naging dahilan naman upang magtakbuhan ang mga ito kabilang ang babaeng kasama ng binatilyo.
Dito hinabol ng suspect ang kabataan at ang nasawing dalagita ang siyang inabutan ni Santos at dahil sa sobrang galit ay agad itong pinagsasaksak sa likuran hanggang sa bawian ng buhay, habang ang apat na kabataang lalaki na kasama nito ay mabilis na nagsitakas.
Nang makita ng suspect na wala nang buhay ang dalagita ay dali-dali niya itong hinila patungo sa likuran ng kanilang bahay at doon ito inilibing upang maitago ang krimen.
Sa salaysay ng suspect sa mga awtoridad, matapos niyang mailibing ang biktima ay nagsimula na rin itong magparamdam sa kanya. Ilang gabi umanong nagpapakita sa kanya ang dalagita at hindi siya pinatatahimik sa kanyang pagtulog kaya ipinagtapat na niya ito sa kanyang ama na nagdesisyon naman na sumuko na siya sa pulisya.
Hinahanap naman ng mga awtoridad ang apat pang kabataang lalaki na kasama ng biktima ng gabing maganap ang krimen. (Ulat ni Rose Tamayo)