2 anak tinodas ng ama

Pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng isang ama ang kanyang dalawang anak makaraang hindi pumayag ang misis nito na umalis sa kanyang pinagtatrabahuhan bago nagtangkang magpakamatay kamakalaw ng gabi sa Marikina City.

Hindi na umabot pa ng buhay sa pagamutan ang mga biktimang sina Alejandro Alipio Jr. 6, nagtamo ng labing-isang saksak at Alexander Alipio, 4, nagtamo naman ng sampung saksak sa katawan, samantala, nagtangka pang magpakamatay makaraang magsaksak sa sarili ang suspek na si Alejandro Alipio, 29, tatay ng mga biktima at pawang naninirahan sa 43 Chorillo St. Brgy. Barangka ng nasabing lungsod.

Sa imbestigasyon ni PO2 Glenn Aculana, naganap ang insidente dakong alas-6 ng gabi sa nasabing bahay makaraang umuwi ang asawa ng suspek na si Luzviminda Alipio na isang buwan ng namamasukan bilang katulong sa Caloocan City.

Kinompronta ng suspek ang kanyang asawa na huwag nang bumalik sa pinagtatrabahuhan dahil kung hindi ito papayag ay papatayin nito ang kanilang dalawang anak.

Hindi naman pumayag si Luzviminda sa gusto ng suspect na lalong ikinagalit nito sabay kumuha ng kutsilyo sa kusina at hinablot ang dalawang naglalarong anak.

Bigla na lang pinagsasaksak ng suspect ang kanyang dalawang anak na ikinabigla ng kanyang asawa kaya agad itong humingi ng saklolo sa mga kapitbahay.

Matapos pagsasaksakin ng suspect ang kanyang mga anak ay nagtangka pa itong magpakamatay at nagsaksak din sa sarili, subalit, naagapan ito ng mga kapitbahay at ipinaaresto sa rumespondeng mga kagawad ng pulisya. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments