Kasabay nito, ayon kay P/Deputy Director General Edgardo Aglipay, chief ng PNP Administration ang pagpapakalat ng 12,000 puwersa ng pulisya, 6,000 rito ay para sa anti-crime at anti-terrorism at ang nalalabi pang 6,000 ay mga Civil Disturbance Management (CDM) Team na mangangalaga sa seguridad ng SONA.
Samantalang, ayon naman kay AFP-PIO Chief Lt. Col. Daniel Lucero, na 2 batalyong sundalo o mahigit 1,000 rin mula sa CDM ng AFP-NCRC sa ilalim ng pamumuno ni Gen. Alberto Braganza ang kanilang idedeploy upang umayuda sa PNP para tiyakin ang peace and order sa nasabing okasyon.
Ayon kay Lucero, umpisa alas-8 ng umaga kahapon ay red alert na ang puwersa ng militar para sa SONA ni Pangulong Arroyo, kung saan maliban sa pagpapakalat ng CDM ay magpapakalat din ng mga monitoring teams.
Sa panig naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief P/Director Ricardo de Leon, sinabi nito na simula kahapon ng umaga ay nasa full alert na rin ang PNP.
Sinabi pa ni de Leon, na handang-handa na ang lahat ng preparasyon para tiyakin na magiging maayos ang mga kaganapan sa SONA ng Pangulo.
Ayon sa opisyal, mahigpit nilang ipatutupad ang no permit, no rally.
"We will guarantee that we will respect the right of people, our forces will be on guard to prevent any untoward incident and violence during the conduct of the President SONA," pahayag ni de Leon.
Partikular na ipakakalat ang puwersa ng mga anti-riot police sa palibot ng Batasan at sa iba pang mga istratehikong lugar na maaari pagdausan ng mass actions tulad ng Mendiola malapit sa palasyo ng Malacañang, Edsa Shrine, Commonwealth Avenue, Quezon City Circle, atbp.
Gayundin, ipatutupad nila ang pag-aresto sa mga bayolenteng raliyista na magtatangkang manabotahe sa SONA. (Ulat nina Joy Cantos Lordeth Bonilla, Rose Tamayo at Danilo Garcia)