Itoy matapos na lagdaan kahapon nina AFP Chief of Staff Gen. Narciso Abaya at ng Malayan Insurance Co. Inc. (MICO) at Great Pacific Life Assurance Corp. (Grepalife) ang isang Memorandum of Agreement sa ginanap na simpleng seremonya sa Camp Aguinaldo.
Ayon kay Abaya, nilalayon ng nasabing kasunduan na mabigyan ng karagdagang benepisyo ang may 50 may kapansanang sundalo para makakuha ng Technical Education Assistance na pinondohan ng kalahating milyong piso.
Sinabi ni Abaya na malaki ang maitutulong at maibibigay na benepisyo para sa mga sundalong nagkaroon ng kapansanan sa pagganap sa kanilang tungkulin.
Nabatid pa sa Chief of Staff na ang Educational Assistance sa mga sundalong mabibigyan ng nasabing benepisyo ay itinakda nilang ipagkaloob sa darating na Setyembre 3 sa mismong anibersaryo ng AFP Medical Center sa V. Luna, Quezon City.
Sa panig naman ni MICO President Yvonne Yuchengco at Adelita Vergel de Dios, Grepalife Director and acting President, ang pagkakaloob ng nasabing benepisyo sa mga may kapansanang sundalo ay bahagi ng kanilang scholarship project na binansagang "Alay sa Bayan". (Ulat ni Joy Cantos)