Ayon kay NCRPO Director Ricardo de Leon, ang apat na pulis na kinasuhan ay sina PO3 Michael Marinas; PO3 Vicente Cornelio; PO3 Calvin Capuno at PO2 Adel Lucera, pawang mga miyembro ng Civil Disturbance Management (CDM) ng WPD Station 3 ay napatunayang nanakit ng sobra sa mga raliyista noong nakalipas na Hulyo 13 sa isang protest rally na ginawa sa Quezon Bridge sa Quiapo, Maynila.
Bukod sa kasong administratibo, kakasuhan din ang apat na pulis ng grave misconduct na gaya ng nakasaad sa NAPOLCOM Memo Circular 96-010 at kung mapapatunayan ay may kaparusahang pagkasibak sa serbisyo.
Ayon naman kay Supt. Romulo Sapitula, Station 3 commander ng WPD sa isinagawang fact-finding committee investigation na inatasan niya ang lahat ng kanyang mga tauhan na gumamit ng maximum tolerance sa mga raliyista na nagiging bayolente, lumagpas umano sa utos ang apat na pulis at sinaktan ng sobra ang ilang raliyista.
Nakaaresto naman ang pulisya ng apat ding raliyista kabilang ang lider ng AKBAYAN na si Renato Reyes at sinampahan na rin ng kaukulang kaso. (Ulat nina Edwin Balasa/ Danilo Garcia)