Mabilis na isinugod sa Ospital ng Sampaloc si Ramil Catapia, binata, nang magtangka itong magbigti matapos na i-hostage ang kanyang kamag-anak.
Lumalabas sa imbestigasyon ng Western Police District (WPD) Station 5 na dakong alas-2:55 ng madaling-araw nang pumanhik si Catapia sa ikalawang palapag ng kanliang bahay sa #530 Lacson St., Sampaloc at bigla na lamang tinutukan ng patalim ang isang kamag-anak na hindi binanggit ang pangalan.
Kaagad namang nagresponde ang mga operatiba ng Station 5 at pinakiusapan ang suspect na palayain ang kanyang biktima subalit dahil sa takot at pagkapahiya ay pinasya na lamang nitong magpatiwakal sa pamamagitan ng pagbibigti.
Kaagad namang hinabol ng mga pulis ang suspect kayat hindi natuloy ang tangka nitong pagpapatiwakal. Samantala, mabilis na isinugod sa naturang pagamutan si Catapia.
Sinabi naman ng mga kaanak ng biktima na sabog sa ipinagbabawal na gamot ang suspect kayat nagawa nitong mang-hostage at tangkaing magpatiwakal. (Ulat ni Gemma Amargo)