Dakong alas 5:30 ng hapon nang lusubin ng mga tauhan ng AIDSTF na pinamumunuan ni Deputy Director General Edgardo Aglipay ang warehouse na matatagpuan sa Tangile St. Villa Liwayway, Brgy. Maysan, ng naturang lungsod.
Nabatid na ang warehouse na inuupahan ng isang Chinese national na nagngangalang Jimmy Coo Hou simula pa noong nakalipas na taon ay sinalakay sa bisa na rin ng search warrant na ipinalabas ni Executive Judge Floro Alejo ng Valenzuela City Regional Trial Court (VCRTC).
Kabilang sa mga nakumpiska ng pulisya ang mga gamit sa paggawa ng shabu at 147 na drum na kinalalagyan ng mga kemikal.
Ayon sa pulisya, may nagbigay sa kanila ng impormasyon na isang shabu laboratory ang bahay ni Hou subalit wala siya dito nang pasukin ng mga awtoridad. Ito na ang ikatlong pagkakadiskubre ng shabu lab sa Valenzuela City.
Kaugnay nito, nagpahayag naman ng pagkabahala si Interior and Local Government Secretary Angelo Reyes sa sunud-sunod na magkakadiskubre ng mga shabu laboratory.
Ayon kay Reyes, mas paiigtingin pa rin nila ang kanilang kampanya laban sa pinaniniwalaang drug trafficker at manufacturer hindi lamang sa Metro Manila kundi sa ibat ibang lalawigan.
Naniniwala si Reyes na may iba pang shabu laboratory sa Kalakhang Maynila subalit ito ay matutuklasan din nila sa pamamagitan ng kanilang mga surveillance at monitoring sa kilos ng mga pinaniniwalaang drug syndicate.
Matatandaan na kamakalawa ay isang shabu laboratory sa Tondo, Maynila ang nadiskubre kung saan nakuha dito ang mga drug paraphernalia. (Ulat nina Rose Tamayo at Doris M. Franche)