Obrero,utas sa mag-utol

Pinaghahanap ngayon ng mga awtoridad ang isang magkapatid matapos na pagtulungan ng mga ito na saksakin ang isang construction worker kahapon ng madaling-araw sa Quezon City.

Nakilala lamang ang mga suspect sa pangalang Boy at Tuka Baler na kapwa nakatira sa 134 St. Michael St. Republic Ave. Brgy. Holy Spirit ng nabanggit na lungsod.

Namatay naman habang ginagamot sa East Avenue Medical Center ang biktimang si Isidro Labadlabad, 31, at residente ng Nawasa Line Q.C.

Batay sa imbestigasyon ni PO2 Randy Escobido ng Central Police District-Criminal Investigation Unit (CPD-CIU), naganap ang insidente dakong ala-1 ng madaling-araw sa kahabaan ng St. John St. Brgy. Holy Spirit.

Papauwi na umano ang biktima nang bigla itong harangin ng mga suspect at pagtulungang saksakin sa iba’t ibang bahagi ng katawan at mabilis na tumakas.

Isang sibilyan naman ang nakakita sa biktima kung kaya’t agad itong dinala sa ospital subalit nalagutan din ng hininga. (Ulat ni Doris M. Franche)

Show comments