Abduction with rape vs opisyal ng AFP-POC ibinasura

Ibinasura ng Quezon City Prosecutors Office (QCPO) ang kasong abduction with rape laban sa opisyal ng Armed Forces of the Philippines Peacekeeping Operation Center na isinampa ng dating live-in partner nito bunga na rin ng kawalan ng sapat na ebidensiya.

Sa limang pahinang resolution ni Assistant City Prosecutor Catherine Manodon, dinismis niya ang kaso laban kay Sgt. Major Noe Manila, 40, na kabilang sa peacekeeping unit na ipinadala sa East Timor noong taong 2000 at residente ng #18 Almond St. Project 2, Q.C. dahil na rin sa walang nagpapatunay sa alegasyon ng dati nitong live-in partner na si Leny Seneres na hiwalay naman sa kanyang unang asawa. Maging ang kasong serious physical injuries at grave threats ay ibinasura din ng piskal.

Batay sa reklamo ni Seneres, Agosto 2000 nang dukutin siya ni Manila at sapilitang dalhin sa Cavite at gahasain. Napilitan na lamang siyang makisama kay Manila dahil sa tinatakot siya nito na sasabihin sa kanyang mga biyenan ang nangyari sa kanila sa Cavite. Sinasaktan din umano siya nito ng walang anumang dahilan.

Nakatakas lamang siya nang dinggin ang kasong kanyang isinampa sa Provost Marshall sa Camp Aguinaldo noong Marso 2002.

Subalit mariin namang pinabulaan ni Manila ang bintang ni Seneres sa pagsasabing kasintahan niya ito at hindi niya ito pinilit na sumama sa Cavite at kasalukuyang siyang nasa East Timor noong Disyembre 2000 at binibigyan niya ng pera si Seneres na nangakong magbabantay ng kanyang anak habang nasa ibang bansa.

Nilinaw naman ni Manodon dapat nang umalis si Seneres habang nasa ibang bansa si Manila kung totoo ang alegasyon nito na sinasaktan at tinatakot siya nito.

Nakakapagtaka din na ginagamit ni Seneres ang pangalan ni Manila sa mga sulat nito sa guro ng mga anak ng huli. (Ulat ni Doris M. Franche)

Show comments