Holdaper nang-agaw ng baril, patay sa pulis

Makaraang agawin ang baril ng isa sa mga pulis na nakaaresto sa kanya, nasawi ang isang holdaper kahapon ng madaling-araw sa Ermita, Maynila.

Patay na nang isugod sa Ospital ng Maynila matapos na magtamo ng tama ng bala sa ulo at dibdib ng suspect na si Maximo Condiman, tubong Negros Occidental at residente ng Pasay City.

Nakilala naman ang nakabaril kay Condiman na sina PO1 Ernesto Retigan at PO3 Canares kapwa nakatalaga sa WPD-Station 5 Task Force sa Taft Ave. Manila.

Batay sa pagsisiyasat, naganap ang insidente dakong alas-2 ng madaling araw nang holdapin ni Condiman ang tatlong babae na sakay ng isang pampasaherong jeep.

Humingi ng saklolo sa mga nakasalubong na pulis ang mga biktimang sina Janet Mauzon, Karen Santiago at Juliet Rivera kung kaya’t agad na nadakip si Condiman.

Subalit nang isakay sa mobile car, agad na inagaw ni Condiman ang baril ng isa sa mga pulis kung kaya’t napilitan naman sina Retigan at Canares na barilin ito. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments