3-anyos kinidnap nang sinibak na family driver

Dinukot ng dating family driver kasama ang dalawa pang hindi kilalang kalalakihan ang isang 3-anyos na batang lalaki na anak ng kanyang amo at pagkatapos ay tinangay pa ng mga ito ang pera, alahas at sasakyan ng magulang ng biktima, kamakalawa sa Marikina City.

Kinilala ni Sr. Supt. Felipe Rojas Jr. ang biktima na si Francis John Rubio, ng Brgy. Marikina Heights ng nasabing lungsod, samantalang naaresto naman ang isa sa tatlong suspect sa isinagawang follow-up operation ng pulisya. Ito ay nakilalang si Amelito Castillo, dating family driver ng pamilya Rubio, habang pinaghahanap pa rin ang dalawang kasama nito tangay ang batang biktima.

Sa pinakahuling ulat, nabawi na rin ang kidnap-victim na si Francis John at ito ay nakuha sa loob ng ninakaw na Nissan Pathfinder na pag-aari ng magulang ng bata at iniwan sa parking lot ng Ever Gotesco Mall na matatagpuan sa Ortigas Extension, Brgy. Sta Lucia sa Pasig City dakong alas-8 ng umaga kahapon.

Nabatid na isang sekyu ang nakapansin sa bata sa loob ng sasakyan kung kaya inilagak nila ito sa istasyon sa Brgy. Sta Lucia. Nalaman na dakong alas-10:40 kamakalawa ng umaga nang dumating sa nasabing bahay ang biktima kasama ang inang si Lalaine Rubio, 37, medical goods consultant.

Laking gulat ni Lalaine na sa pagpasok nila ng bahay ay nandoon na ang tatlong suspect na pawang nakasuot ng bonnet at armado ng baril.

Agad na inutusan ng mga suspect ang mga mag-ina, kasama ang isa pang kaibigan na umakyat sa ikalawang palapag at doon sila itinali. Nilimas ng mga suspect ang mahahalagang gamit sa bahay at pera na nagkakahalaga ng $6,000 at mga alahas. Matapos makuha ang pakay ay tinangay pa ng mga suspect si Francis John at saka mabilis na nagsitakas gamit ang puting Nissan Pathfinder na pag-aari ng ina ng biktima.

Naaresto naman sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang suspect na si Castillo na umamin na isa siya sa tatlong suspect na pumasok sa bahay ng pamilya Rubio.

Binanggit pa nito, na nais lamang niyang gumanti sa pamilya dahil sa inalis siya sa trabaho noon lamang nakaraang Biyernes. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments