Kinilala ang suspect na si Michael Masungsong, 28, ng 14-B South Road, Cubao, Quezon City. Kasalukuyan itong nakapiit sa CPD-CIU.
Lumilitaw sa imbestigasyon ng pulisya na Hunyo 5 dakong alas-3 ng hapon nang umalis ng bahay ang biktima na nakilalang si Mary Nhelle Raymundo, 13, ng #294 Purok, Bayanan, Muntinlupa. Nagpaalam ito sa kanyang magulang na pupunta lamang sa drug store upang makipagkita sa kanyang kaibigan.
Subalit hindi natuloy ang plano ng biktima at sa halip ay nagtungo ito sa kasintahang si Masungsong na dati niyang ka-textmate.
Ilang araw ding hindi nakauwi ang biktima at noong Hunyo 11 ay tinext ito ng kanyang ama na si Noel Raymundo subalit iba ang estilo ng pagsagot nito sa text.
Naghinala ang ama na hindi mismo ang kanyang anak ang sumasagot sa text kung kaya inutusan niya ang isang kaibigan ng anak na si Louela Empleo na muli itong i-text.
Ang suspect na si Masungsong ang sumasagot kay Empleo sa text. Naging mag-text mate sina Empleo at Masungsong hanggang sa i-set up na ang suspect.
Nakipagkita ito kay Empleo at doon ito dinamba ng mga tauhan ng pulisya.
Noong una pilit ang tanggi nito na may kinalaman siya sa pagkawala ng biktima, subalit makalipas ang ilang oras ay bumigay ito at inamin ang krimen.
Sinabi nito na magkasintahan na sila ng biktima at nang magkita sila ay nagselos siya sa nabasa sa cellphone nito na binabati ang biktima ng "Happy 7th anniversary".
Dahil dito, ikinulong niya ang batang biktima sa aparador ng kanilang bahay. Tinakpan pa umano niya ng packaging tape ang mga lagusang hangin.
Ipinagtapat pa ng suspect na nakalimutan na umano niyang balikan ang biktima sa loob ng aparador hanggang sa kinabukasan ay nakita na itong walang buhay.
Ayon sa pulisya, posible rin umanong inuntog din ng biktima ang kanyang ulo sa steel dresser sa pagnanais nitong makalabas sa aparador.
Bunga naman ng pagkataranta itinapon ng suspect ang biktima sa Pasadeña creek sa San Juan, kung saan doon na ito natagpuan ng kanyang mga magulang.
Nakatakdang sampahan ng kasong murder at child abuse ang suspect. (Ulat ni Doris Franche)