Nakilala ang dinakip na si Zorayda Agawin Dimaporo, ng #7 Abueva St. Corinthian Gardens, Quezon City.
Dinakip ito ng mga ahente ng NBI-Dagupan sa isang entrapment operation matapos na ireklamo ni Conrado Rodrigo III, anak ni dating San Nicolas Mayor Conrado Rodrigo na napaslang noong nakaraang buwan lamang.
Sinampahan na rin ng kasong estafa si Dimaporo sa Tayug Regional Trial Court matapos na makakuha ng halagang P45,000 kay Rodrigo.
Binanggit ni Rodrigo sa kanyang reklamo na habang nakaburol ang kanyang ama ay lumapit sa kanya si Dimaporo na nagpakilalang anak ni Ali Dimaporo. Matalik na kaibigan umano siya ng napaslang na alkalde at inalok ang kanyang tulong sa pagbibigay ng mahusay na mga abugado dagdag pa ang kanyang koneksyon sa pamahalaan.
Unang humingi ng P65,000 ang suspect na gagamitin bilang panggastos sa pag-aasikaso sa COMELEC upang mahadlangan ang kanilang kalaban sa pulitika na maupo bilang bagong alkalde matapos na manalo sa nakaraang eleksyon.
Binanggit pa ni Rodrigo na nakipagkasundo siya na magbayad sa suspect na gagamitin umano sa mga abugado. Makalipas ang ilang araw ay muling nanghihingi ito ng pera kaya naghinala na si Rodrigo at nagsumbong sa NBI.
Isinagawa ang entrapment operation at nadakip ang suspect na nagpakilalang prinsesa. Sa isinagawang beripikasyon sa katauhan nito, nakilala itong si Abdullah Macarimpas, assistant regional director ng Office of Muslim Affairs sa Baguio City at sa angkan ng Dimaporo sa Mindanao. Lumalabas na mayroon talagang Zorayda Dimaporo pero ito ay nasa Mindanao kaya napatunayang isa itong impostor. (Ulat ni Danilo Garcia)