Iniharap ni PNP Chief Director General Hermogenes Ebdane Jr. ang mga nasakoteng suspect na sina Senior Insp. Wilfredo Abordo at PO1 Sieroma Prudente, kapwa kasapi sa WPD Station 8 Anti-Drug Team.
Kasabay nito, inihayag ni Ebdane ang pagsibak kay Supt. Efren Perez, hepe ng WPD Station 8 dahil sa command responsibility sa kaso ng dalawa nitong scalawags na tauhan.
Ayon kay Ebdane ang dalawa ay dinakip sa bisinidad ng tanggapan ni PNP-AID-SOTF chief Deputy Director Gen. Edgar Aglipay, kamakalawa ng hapon sa Camp Crame.
Sinabi ni Ebdane na ang dalawa ay positibong itinuro ng ilan nilang mga testigo na sangkot sa serye ng kidnapping sa Las Piñas City na nagsimula nitong Hunyo 5, 2004 kung saan dinukot ang isang Amado Manansala malapit sa SM Southmall.
Nang sumunod na araw dinukot naman ng mga ito ang isang tinukoy sa pangalang Akok at kinuha rin ang sasakyan nitong Toyota Corolla Altis na may plakang XJW-719.
Ikatlong biktima ng mga suspect si Benito Chua na kinidnap naman habang sakay ng kanyang kulay asul na Toyota Revo. Si Chua ay pinalaya matapos na magbayad ng P1.7 M ransom nitong nakalipas na Hunyo 6, 2004 si Mrs. Betina Chua.
Ayon kay Ebdane sina Aborno at Prudente ay nadakip habang lulan ng kulay asul na Toyota Revo na positibong nakilalang pag-aari ni Chua.
Sa inisyal na interogasyon inamin ni Abordo na inaresto nila ang biktima dahilan sa umanoy pagkakasangkot sa drug trafficking sa kabila na wala namang nakuhang droga laban sa tatlo. Inamin rin nito na tumanggap siya ng ransom mula kay Mrs. Chua. (Ulat ni Joy Cantos)