Traffic enforcer patay sa salpok ng trak

Namatay ang isang traffic enforcer na baba matapos itong masagasaan ng 10-wheeler truck habang nagpapatupad ng daloy ng trapiko sa Parañaque City kamakalawa ng gabi.

Pisak ang katawan ng biktima na nakilalang si Beatriz Estrada, 44 ng Lower Matatdo, Manggahan, Brgy. San Isidro ng nasabi ding lungsod.

Agad namang sumuko ang suspect na si Galicano Dalumpines, Jr. 27, ng Road 44, Dupal, Diliman Quezon City.

Lumilitaw sa imbestigasyon ng Parañaque City Traffic Enforcement Unit na naganap ang insidente dakong alas-10:30 ng gabi sa Kaybuboy Bridge, Brgy. San Isidro.

Kasalukuyang nagtatrapik ang biktima ng hindi ito napansin at tuluyang nasagasaan ni Dalumpines na nagmamaneho ng truck na may plakang PXS-407.

Napag-alaman na lasing umano si Dalumpines kung kaya’t nakaramdam ito ng antok.

Nahaharap naman sa kasong reckless imprudence resulting to homicide ang suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments