Mister patay sa sumpak

Hindi na nagawang masundo pa ng isang mister ang kanyang misis makaraang sumpakin ang una at napatay ng kanyang kapitbahay, kamakalawa ng gabi sa Taguig.

Nasawi habang ginagamot sa Taguig-Pateros Hospital ang biktimang si Deomides Nabalatan, 27-anyos, sanhi ng malubhang tama ng bala ng sumpak sa kanyang katawan.

Pinaghahanap na ng pulisya ang suspect na si Tata Moreno na kaagad na tumakas matapos ang insidente.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-10:40 nang mangyari ang insidente sa harapan mismo ng bahay ng biktima sa Eucalyptus St., Bicutan, Taguig.

Kalalabas lamang ng biktima sa kanilang bahay upang sunduin ang kanyang misis sa trabaho nang bigla na lamang itong harangin ng suspect at barilin ng sumpak na ikinasawi nito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments