Ang Caltex ang unang nagsagawa ng pagtataas at ipinatupad ito dakong alas-12 ng tanghali kahapon.
Ayon sa tagapag-salita ng Caltex na si Jorge Marco ang kanilang pagtataas ay sanhi ng patuloy na pag-akyat ng presyo ng krudo sa world market na umabot na sa $40 kada bariles.
Samantala, agad namang susundan ng Flying V ang hakbang ng Caltex, subalit sa halip na P1 ay P1.25 ang increase ng New Oil Players sa lahat din ng produktong petrolyo.
Ipatutupad ng Flying V ang bago nitong presyo ngayong alas-6 ng umaga.
Sa panig ng Shell, Petron at iba pang kasapi sa New Oil Players Association of the Phils. tulad ng Seaoil, Unioil, Eastern Petroleum ay wala pang pahayag sa kanilang pagtataas bagamat inaasahan ito sa susunod na mga araw.
Aminado ang mga kompanya ng langis na pinilit nilang hatiin sa dalawa ang P1 na dagdag sa presyo ng langis upang hindi maging pabigat sa publiko ngunit hindi na rin umano makababawi ang mga oil companies ngayong inaasahan pa ang muling pagtaas ng presyo ng krudo sa world market. (Ulat ni Edwin Balasa)