Kapwa patay na bago pa idating sa Pasay City General Hospital ang mga biktimang sina Roberto Navarra, alyas Bitoy, na may kasong robbery at miyembro ng Sputnik Gang at Roberto Santos, alyas Hapon na sangkot naman sa pagbebenta ng ipinagbabawal na gamot at miyembro naman ng Batang City Jail.
Sina Navarra at Santos ay kapwa nagtamo ng ilang saksak sa ibat-ibang bahagi ng kanilang katawan.
Nilalapatan naman ng lunas sa nabanggit na pagamutan si Randy Ponferada na nagtamo ng saksak sa kanyang balikat at kaliwang braso.
Ayon sa ulat, naganap ang insidente dakong alas-8:30 ng gabi sa nabanggit na kulungan.
Nabatid na nagkaroon ng engkuwentro ang grupo ng Sputnik at BCJ na nauwi sa riot. Dahil sa insidenteng ito, ipinatupad ang doble at mahigpit na seguridad sa nabanggit na bilangguan kung saan nag-deploy ng ilang kagawad ng SWAT Team.
Nagsagawa ng dialogue ang pamunuan ng Bureau of Jail Management ang Penology sa lahat ng mga mayores lalo na sa dalawang gang na kilalang magkaribal at matagal nang nag-aaway sa mga kulungan. (Ulat ni Lordeth Bonilla)