Liban sa mga suliraning madalas na kinakaharap ng mga botante, katulad ng kawalan ng kanilang mga pangalan sa voters list wala namang naiulat na naganap na anumang malalaking insidente ng karahasan sa araw ng eleksyon.
Sa Quezon City matahimik ang naging pagdaraos ng halalan at tulad nga sa ibang lugar iisa ang bumangong problema, ito ay ang pagkawala ng pangalan ng mga botante sa listahan ng maaaring bumoto.
Mataas din ang porsiyento ng mga bumoto.
Sa Maynila, may ilang lugar na sinasabing nawalan ng kuryente habang nagaganap ang bilangan, gayunman hindi naman ito naging balakid at itinuloy pa rin ang bilangan gamit ang mga kandila.
Sa CAMANAVA area, halos matagumpay rin ang eleksyon liban sa ilang lugar sa Caloocan, katulad ng sa Bagong Silang Elem. School na dito hinihiling ng mga botante na ideklara ang failure elections dahil sa marami ang hindi nakaboto matapos na mawala ang kanilang mga pangalan sa listahan ng mga voters.
Matahimik din ang eleksyon sa Southern Metro Manila area.
Sa Pasay City, dalawang lalaki ang inaresto ng pulisya matapos na mamahagi ng black propaganda.(Ulat nina Angie dela Cruz, Rose Tamayo,Lordeth Bonilla at Edwin Balasa)