Ito ang nasagap na intelligence report ng pulisya na sinasabing isasagawa ng kampo ng isang presidential aspirant sa oras na matalo sa eleksyon ni Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo.
Sa kabila nito, sinabi naman ni National Capital Region Police Office (NCRPO chief Director Ricardo de Leon na nakahanda ang pulisya na pigilan ang ganitong mga banta at naniniwala din sila na wala namang magaganap na anumang kaguluhan sa Labor Day sa Mayo 1, makaraang umatras na ng pagsama sa kilos protesta ang grupo ni dating DECS Secretary Raul Roco.
Patungkol sa natanggap na intelligence report, sinasabing nagbabalak na lumusob sa Malacañang ang mga supporters umano ng isang presidential aspirant buhat sa oposisyon.
Suportado umano ang naturang kandidato ng mga junior officers ng PNP na hindi mabigyan ng magandang puwesto sa kasalukuyang administrasyon.
Hanggang ngayon umano ay nagsasagawa pa ng recruitment ang grupo para makiisa sa kanilang plano.
Sinabi ni de Leon na handa ang buong puwersa ng pulisya para sawatain ang naturang plano kung hindi nga mananalo ang naturang kandidato. Partikular na inatasan nitong magbantay sa bisinidad ng Malacañang ang puwersa ng Western Police District (WPD).
Ipinasailalim na rin ang mga pulis sa limang distrito sa emergency response training sa tatlong posibleng senaryo tulad ng mga kilos-protesta, ballot snatching at pag-atake ng mga terorista.
Itataas din ng NCRPO ang heightened alert status sa buong Metro Manila na magsisimula sa Mayo 1 hanggang matapos ang halalan sa Mayo 10. (Ulat ni Danilo Garcia)