Tsinoy patay sa holdap

Nasawi ang isang negosyanteng Tsinoy nang pagsasaksakin ng dalawang di-nakikilalang holdaper matapos na manlaban ang una sa mga huli, kahapon ng umaga sa Valenzuela City.

Namatay noon din sanhi ng tinamong mga saksak sa katawan ang biktimang si Edgardo Ang, 48, ng 1325 Torres Bugallon St., Tondo, Manila.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:30 ng umaga ng maganap ang insidente sa tapat ng Load Center Builders na nasa Malinta, Valenzuela City.

Nabatid na papasok na si Ang sa nasabing gusali nang sundan ito ng dalawang suspect at inihayag ang holdap. Nanlaban naman ang biktima hanggang sa ito ay pagsasaksakin ng mga suspect. Bago nagsitakas mabilis na kinuha ng mga suspect ang wallet ng biktima.

Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang bigyang-linaw ang kaso kung saan sinasabing bukod sa pagnanakaw ay posibleng sinadyang patayin ang biktima. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments