Basurero nalibing nang buhay, isa pa sugatan

Isang basurero ang iniulat na nasawi, samantalang isa pa ang malubhang nasugatan nang matabunan ng gumuhong lupa sa gilid na kanilang hinuhukay, kamakalawa ng gabi sa Quezon City.

Natabunan nang buhay ang biktimang si Jun Jun Guevarra, biyudo at residente ng Sitio Mabilog, Barangay Culiat, Quezon City, habang isinugod naman sa pagamutan ang kasamahan nito na si Eduardo Buenavista.

Batay sa ulat ng pulisya, naganap ang insidente dakong alas-9 ng gabi habang ang dalawang biktima ay magsimulang maghukay sa isang bakanteng lote na nagsisilbing private junkshop sa Visayas Avenue sa Barangay Bahay Toro.

Halos lampas tao na ang nahuhukay ng dalawa nang aksidenteng gumuho ang lupa at natabunan sa hukay ang dalawa.

Mabilis na nakaalis sa hukay si Buenavista subalit minalas na tuluyang natabunan si Guevarra na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan. (Ulat ni Doris Franche)

Show comments