Ang hakbangin ng MMDA ay bunga na rin ng kanilang mga natatanggap na reklamo na marami pa ring mga pribadong sasakyan ang gumagamit ng mga wang-wang at blinker.
Ayon sa MMDA ang mga binibigyan lamang ng karapatang gumamit ng blinker at wang-wang ay mga miyembro ng Philippine National Police, ambulansiya at bumbero.
Kadalasan kasing ginagamit ng mga pribadong sasakyan ang wang-wang at blinker upang hindi maabala sa trapiko at mabigyan sila ng priyoridad sa kalye.
Bunga nito, hiniling ng MMDA na hindi lamang ang mga sasakyang lumalabag sa "No Plate, No Travel "policy ang arestuhin kundi maging ang mga gumagamit ng blinker at wang-wang.
Hindi rin umano imposible na gumamit ng blinker at wang-wang ang mga sindikato upang makaiwas sa checkpoint ng mga pulis.
Matatandaan na mahigpit ang ipinatutupad ng pamunuan ng National Capital Regional Police Office (NCRPO) ang "no plate, no travel" policy dahil kadalasang ang mga sindikatong miyembro ng kidnapping ay gumagamit ng mga sasakyang walang plaka.(Ulat ni Lorderth Bonilla)