Ang suspect na dinakip sa bisa ng mga warrant of arrest na inisyu ni Makati City Regional Trial Court Judge Cesar Sta. Maria, ng Branch 146, ay si Rosalie Mateo, ng M. Hizon St., Barangay Bangkal, Makati City.
Base sa report na natanggap ni Supt. Jose Ramon Salido, hepe ng Criminal Investigation Service, Makati City Police si Mateo ay nahaharap sa mahigit sa 57 kasong large scale estafa. Karamihan sa mga nabiktima nito ay mga kawani ng Intel Philippines, isang electronic company na ang halaga ay aabot sa P60 milyon.
Nabatid na nag-invest ang mga biktima sa kompanya ni Mateo, kung saan ipinangako nito na tutubo ang mga ito ng malaking halaga. Sa una ay pinatikim ng malaking interes ang mga biktima kayat lalo silang naingganyo.
Ngunit sa mga sumunod na araw ay hindi na sila nakatanggap ng tubo at maging ang kanilang ipinuhunan ay tuluyan nang nawala. Dakong alas- 8 ng gabi ng madakip si Mateo sa kahabaan ng Pasay Road, Pasay City.
Napag-alaman na aabot sa P1.7 milyon ang inirekomendang piyansa para sa pansamantalang kalayaan ng nadakip na suspect. (Ulat ni Lordeth Bonilla)