Saleslady 2 ulit hinalay ng among Jordanian

Naaresto kahapon ang isang 46-anyos na Jordanian national makaraang dalawang beses umano nitong gahasain ang kanyang babaeng empleyada sa Pasig City.

Ang suspect ay nakilalang si Abdelkarim Abmad, negosyante, residente ng Unit 2 Casa Enrica Mercedez Ave., Brgy. Caniogan ng nasabing lungsod, ito ay sasampahan ng kasong 2 counts of rape makaraang ireklamo ng biktimang itinago sa pangalang Janna, 20, namamasukan bilang saleslady sa negosyong cellphone accessories ng suspect.

Sa ulat, unang hinalay ng suspect ang biktima noong Marso 14, dakong alas-11:30 ng gabi.

Nauna dito, sinabihan ng suspect ang biktima na unang araw pa lang sa trabaho na bantayan sandali ang anak nito na naglalaro ng play station sa itaas ng kuwarto at may pupuntahan lang siya sandali. Dahil hindi pa dumarating ang suspect at walang maiiwan sa batang anak nito ay hindi kaagad nakauwi ang biktima kaya inabot na ito ng gabi.

Nang dumating ang suspect ay amoy alak ito at nang makita ang biktima ay sapilitan itong ipinasok sa kanyang kuwarto at doon ay pinagsamantalahan. Naulit pa ang pang-aabuso ng suspect sa biktima ng sumunod na gabi sa loob din ng kuwarto ng suspect.

Lumalabas naman sa medico legal na positibong ginalaw ang biktima dahil sariwa pa ang laceration nang eksaminin ito. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments