Kahapon, tuluyan nang naaburido ang samahan ng transportasyon sa pangunguna ng PISTON, FEJODAP, PCDO-ACTO, ALTODAP, MJODA at nagpahayag pa ang mga ito ng pagkondena sa pamunuan ng LTFRB nang walang nangyari sa kanilang petisyon.
Ito ay nang ipagpaliban kahapon ni LTFRB Chairperson Ellen Bautista sa Marso 25 ng taong ito ang muling pagdinig ng board ang kanilang fare increase petition dahil sa ilang kadahilanan.
Kailangan anya ng LTFRB na ma-substantiate ng transport groups ang petisyon ng mga ito hinggil sa hinihinging P1.50 taas sa singil sa pasahe kayat ang mga ito ay pinagsusumite ng board ng "position paper with affidavit of the witness" para maging patas ang magiging kalalabasan ng desisyon ng LTFRB hinggil dito.
Hindi kumbinsido ang LTFRB sa argumento ng transport groups na dahil sa pagtaas ng gasolina ay nararapat na maitaas ang singil sa pasahe sa jeep, gayung ayon sa ahensiya, ang transport groups na ito ay binibigyan na ng discount ng mga oil companies sa pagbili ng diesel. (Ulat ni Angie dela Cruz)