Ito ang inihayag kahapon ni LTO-NCR Chief Nestorio Gualberto kaugnay ng inilunsad na kampanya ng Land Transportation Office (LTO) laban sa lumalalang krimen tulad ng kidnapping, carnapping, droga at robbery hold-up, gayundin din para makatulong sa pagluluwag ng daloy ng trapiko sa Metro Manila.
Dahil dito, tinagubilin ni Gualberto na huwag nang ilabas sa mga lansangan ang kanilang mga sasakyan kung ito ay walang plaka dahil huhulihin na ang mga ito ng mga nagkalat na enforcers.
Ito rin ang naging pahayag ni MMDA chairman Bayani Fernando na nagsabing tutulong ang naturang ahensiya sa kampanyang ito ng LTO at pulisya.
Kabilang sa mga pagbabawalang tumakbo sa lansangan ay yaong may temporary plate, conduction sticker, improvised plate, expired plate at lost plate.
Kasabay nito, hiniling din ng MMDA sa LTO na itigil na ang pag-iisyu at pag-apruba ng mga commemorative plate, dahil karaniwang napagkakamalan ng motorista na ang paggamit nito ay exemption para sa color coding.
Sa panig naman ng pulisya, madalas umanong ang mga walang plakang sasakyan ang ginagamit ng mga sindikato sa kanilang mga operasyon. (Ulat nina Angie dela Cruz at Lordeth Bonilla)