Sa isinumiteng complaint affidavit ng NBI sa DOJ, kinilala ang mga high priests na kapwa sa ilalim ng Church of Jesus Christ of Latter Day Saints na sina Gil Anthony Calianga, Rodrigo Reyna at Arturo Calianga.
Ang mga nabanggit ay kapwa nahaharap sa mga kasong abduction with rape at paglabag sa Presidential Decree (PD) 1829 o obstruction of justice matapos umanong dukutin at pagsamantalahan ang biktimang itinatago sa pangalang Aileen.
Sa ibinigay na salaysay ng biktima, isang college drop-out, na maraming beses siyang hinalay ng mga salarin sa magkakahiwalay na lugar.
Isinagawa naman sa DOJ kahapon ang preliminary investigation (PI) sa ilalim ng pamumuno ni State Prosecutor Zenaida Lim kung saan ay bibigyan ng pagkakataon ang mga akusado na ibigay ang kanilang mga depensa at argumento.
Batay sa isinagawang imbestigasyon ng Violence Againts Women and Children Division Agent Olga I. Angustica ng NBI, naganap ang panggagahasa mula noong Hunyo 23, 2003 hanggang Nobyembre 9 ng nasabi ring taon kung saan ay pinagsamantalahan din ang biktima ng mga akusado sa Makati, Muntinlupa, Cagayan de Oro, Manila, Rizal at Laguna.
Ilang araw din itong ginawang sex-slave at dahil sa pananakot ng mga suspect kung kaya napilitan si Aillen na magtikom-bibig.
Bukod sa pagiging sex-slave ginawa ring katulong ng tatlo ang biktima kasama ang ilan pang mga babae at sapilitan din umanong pinalalagda sa isang affidavit of desistance.(Ulat ni Grace dela Cruz)