Sa report na natanggap ni Dra. Clarissa Sevilla, health center physician, Makati City Health Department, kinilala ang magkapatid na biktima na sina John Michael Geno, 4-anyos at Justine Geno, 9-buwang gulang, nakatira sa Sitio 8, Brgy. West Rembo ng lungsod na ito, kapwa nasawi habang nilalapatan ng lunas sa San Lazaro Hospital.
Samantala, inoobserbahan ngayon ng mga manggagamot si Jejomar Geno, nakatatandang kapatid ng nasawing mga biktima.
Ayon sa Makati City Health Department, ang naturang sakit ay nagmula sa matinding bacteria at nakakahawa ito sa pamamagitan ng pagdura, kung saan ang mga may edad ay posible ring mahawa nito.
Ang sintomas ng may diphtheria ay laryngitis, pharyngitis at tonsilitis.
Ayon kay Dra. Sevilla, higit na madaling makapitan ng naturang sakit ay ang mga batang walang bakuna. Mariing nanawagan at hinikayat ng pamahalaang lungsod ng Makati ang publiko, lalo na ang mga taga-Makati na pabakunahan ang kanilang mga anak mula tatlong-linggo pa lamang ng kapanganakan hanggang bago mag-isang-taong gulang sa mga health center ng kani-kanilang barangay.
Kinakailangang kumpleto aniya ang bakuna nito sa isang sanggol upang huwag makapitan ng diphtheria.
Bukod dito, hinihikayat ang mga magulang ng mga bata na ugaliin ang paglilinis sa mga tahanan at kapaligiran.
Inalarma ng naturang tanggapan ang mga residente sa lungsod dahil dalawa na ang nasawi rito sa Makati at posibleng kumalat pa ito sa iba pang barangay.
Idineklara naman ni Makati City Mayor Jejomar Binay na calamity area ang ilang barangay sa lungsod tulad ng West Rembo, East Rembo, West Cembo at East Cembo dahil sa naturang sakit. Nakatakda ring maglaan ng milyong pisong pondo ang pamahalaang lungsod hinggil dito. (Ulat ni Lordeth Bonilla)