Ayon sa ulat, nasaksihan ni SPO2 Jacobo Miranda na noon ay kasalukuyang nagpapatrulya sa lugar kasama pa ang ibang pulis, ang ginawang panghoholdap ng suspect na si Ricky Rosario, 22, ng Payatas, Quezon City sa mga biktimang sina Dexter Rementilla, 24 at Susie Catalan, 25, habang sakay ang mga ito sa isang Kia Pride na may plakang WET-487 na nakaparada sa tabi ng palengke.
Nilapitan at sinita ng pulis ang suspect na si Rosario subalit biglang nagpaputok ng baril ang kasamahan nito na nakamasid lamang pala sa di kalayuan.
Dahil dito, agad na gumanti ng putok ang mga kasamahang pulis ni Miranda kung kaya napatay ang suspect na nakilala lamang sa pangalang Imal.
Agad din namang nadakip si Rosario.
Nakuha sa mga suspect ang isang .38 kalibreng baril, tatlong bala at kutsilyo na gamit nila sa panghoholdap. (Ulat ni Doris Franche)