Binata nasermunan ng ina, nagbigti

Nagpakamatay sa pamamagitan ng pagbibigti ang isang binata matapos umanong mairita sa panenermon ng ina nang hindi makahanap ng trabaho ang una, kahapon ng umaga sa Caloocan City.

Kinilala ng pulisya ang nasawi na si Raymond Manzon, 26, ng 269 Reparo St., Baesa ng nasabing lungsod. Natagpuan itong nakabitin sa loob ng kanilang banyo gamit ang isang iron wire.

Ayon sa ulat, dakong alas-6 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ni Raymond ng kanyang inang si Monica.

Ayon sa ginang wala naman siyang nakikitang dahilan ng pagpapakamatay ng kanyang anak, bukod sa kawalan nito ng trabaho kung saan bago naganap ang insidente ay nagkaroon sila ng pagtatalong mag-ina dahil sa nasabing problema.

Samantala, patuloy namang nagsasagawa ng imbestigasyon ang pulisya ukol sa insidente para matiyak na walang naganap na foul play sa insidente. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments