Kinilala ni NAKTAF Spokesman Col. Danilo Servando ang biktima na si Gabriel de Vera ng Barangay Kapitolyo, Pasig City. Ang biktima ay napaulat na kinidnap noong nakalipas na Lunes.
Ayon kay Servando, agad na nagsagawa ng rescue operations ang mga operatiba ng NAKTAF matapos na mabatid na itinakda ng mga kidnappers ang pay-off sa isang sangay ng McDonalds sa Greenbelt sa Makati City.
Binanggit pa na halagang P10 milyon ang unang hinihinging ransom ng mga suspect sa pamilya ng biktima.
Nakipagnegosasyon ang pamilya ng biktima kung saan naibaba ang ransom sa halagang P150,000 at ang paunang P50,000 ay idedeliber sa nasabing lugar.
Matapos ang itinakdang pay-off ay nabawi ang biktima subalit walang nadakip na mga kidnappers. Sa kasalukuyan ay masusing sinisilip ng mga awtoridad ang posibleng anggulo ng kidnap me dahilan sa nag-iisa lamang ang biktima sa nasabing foodchain ng mabawi ito at siya mismo ang kumuha ng nasabing inisyal na ransom payment.
Napag-alaman pa na bago nawala ang biktima ay problemado umano ito. Dahil dito isang masusing imbestigasyon pa ang isinasagawa ng mga awtoridad. (Ulat ni Joy Cantos)