Nakilala ang mga nasugatan na sina SF02 Tirso Cabbadu, na nasabugan ng shrapnels sa mukha at tiyan at ngayon ay nasa malubhang kalagayan; SF01 Ceaser Obeta; F03 Florentino Batain at F02 Donato delos Trenos, kapwa nakadestino sa Quezon City fire station.
Ayon kay Supt. Joel Goltiao, tagapag-salita ng PNP na naitalang nagsimula ang sunog dakong alas-3:31 ng hapon, isang oras matapos ang naganap na misa sa Edsa Shrine kaugnay ng isinagawang pagdiriwang ng ika-18 taong anibersaryo ng People Power 1.
Nauna rito, sinasabing nagkaroon ng brown-out sa loob ng kampo. Bago rin sumiklab ang sunog sinasabing nauna nang naamoy ang parang nasusunog na kuryente sa tanggapan ni Gen. Sacramento, na kalapit sa PNP Logistic Support Service.
Ilang segundo pa ay bigla na lamang nagmitsa ang apoy hanggang sa tuluyan na itong lumaki.
Malaking bahagi sa logistic support service ang natupok na dito nakaimbak ang mga bala at mga baril ng PNP.
Kasabay nang pagsiklab ng apoy ay narinig na ang sunud-sunod na putok at pagsabog dala ng nasusunog na mga bala at eksplosibo sa loob.
Nagliparan ang mga pumuputok na bala na naging dahilan upang maging ang mga pasahero sa MRT sa Santolan Station ay magpanik at magsitakbuhan.
Pansamantala ding huminto ang biyahe ng MRT dahil sa panganib na maaaring marami pang mga bala ng baril ang magliparan at magputukan sa ere dahil sa sunog.
Lumikha din ng matinding trapik sa magkabilang ruta ng Edsa matapos itong isara dahil sa sunog na naapula dakong alas-5 ng hapon.
Hindi pa mabatid kung magkanong halaga ang natupok ng sunog. Pinaniniwalaang faulty electrical wiring ang dahilan ng sunog.
Patuloy namang iniimbestigahan ang naganap na sunog, subalit nauna nang sinabi ni Goltiao na inaalis nila ang motibong sabotahe o anumang terrorist act sa naganap na sunog. (Ulat nina Joy Cantos at Rose Tamayo)