Trike driver tinodas ng mga kaalitan ng anak

Isang 47-anyos na tricycle driver ang namatay makaraang pagtulungang bugbugin at saksakin ng 11 kalalakihan nang sumugod ito sa tambayan ng mga nakaaway ng kanyang anak kahapon ng madaling-araw sa Mandaluyong City.

Ang biktima na namatay ilang minuto makaraang isugod sa Mandaluyong City Medical Center ay nakilalang si Danilo Canillas, residente ng #508 Blk. 2, Welfareville Compound, Brgy. Addition Hills, ng lungsod na ito, ay nagtamo ng anim na bugbog at saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan.

Agad namang naaresto sa isinagawang follow-up operation ng pulisya ang mga suspect na sina Jodelita Joya, 18; Christian Lopez, 28; Anthony Desvarro Jr., 19; Reagan Kagara Jr., 18; Jomar Magracia, 20; Nelson Estrole; Jose Calmerin, at apat na menor-de-edad. Ang mga ito ay kakasuhan ng homicide sa korte.

Sa ulat ng pulisya, dakong alas-2:35 ng madaling-araw nang magbaba ng pasahero ang anak ng biktima na kasalukuyang namamasada ng tricycle sa kahabaan ng Burol St., nasabing barangay nang bigla na lang batukan ng isa sa mga suspect na nakatambay sa lugar.

Agad namang umuwi ang batang Canillas sa bahay at nagsumbong sa nagpapahingang biktima.

Mabilis na sumugod sa pinagtatambayan ng mga suspect ang biktima bitbit ang isang mahabang kadena at pinagpapalo ang mga ito.

Kinuyog naman ito ng mga suspect at binugbog hanggang sa tuluyang pagsasaksakin. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments