Sa ginanap na press conference, sinabi ni PALEA president Alex Barrientos na iligal umano ang pagsasabatas ng Executive Order 253 o pagbibigay ng pahintulot sa pagpasok ng mga cargo carrier sa bansa na nilagdaan ni Arroyo.
Ayon kay Barrientos, bago pa man pinirmahan ang nasabing EO, ginawa ng tambayan ng mga US base cargo carriers tulad ng United Parcels Service, Federal Express at DHL ang airport sa Manila, Subic at Clark Airbase.
Lumilitaw aniya na libre nang makapasok ang lahat ng mga cargo carriers bukod pa sa pinapatay nito ang local air industry dahil na rin sa unfair competition.
Ipinaliwanag ni Barrientos na hindi umano makatao ang desisyon ng pangulo lalo pat nais ng US na buksan lahat ang international airport sa bansa para sa kanila at hindi sa Philippine Air carriers.
Kaugnay nito, nakatakdang magsampa ang PALEA ng petisyon for certiorari sa Korte Suprema upang ideklarang unconstitutional ang Open Skies Policy na nilagdaan ni Arroyo. (Ulat ni Doris Franche)