Bading patay sa kanyang 'papa'

Isa umanong ‘bading’ na Tsinoy ang pinagsasaksak hanggang sa mapatay ng kanyang dating karelasyon dahil lamang sa utang kahapon ng madaling-araw sa lungsod ng Maynila.

Pitong saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang naging dahilan ng kamatayan ni Fidel Tieng, 25, residente ng 1669 M. Hizon St. Sta. Cruz, Maynila habang agad namang nadakip ang suspect na nakilalang si Robie Luna, 18, stay-in waiter ng Prince Neighborhood Catering sa Area C, Fairview,Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ng WPD-Homicide Division, naganap ang insidente dakong alas- 12:30 ng madaling-araw sa kahabaan ng Alvarez St. Sta.Cruz, Maynila.

Bago naganap ang krimen, nag-iinuman umano ang suspect at ang biktima kung saan kasama nito ang umano’y bago nitong karelasyon na nakilala lamang sa pangalang Ronald sa loob ng ABBA Beerhouse sa Sta. Cruz.

Dala ng matinding kalasingan, sinisingil ng suspect si Tieng sa utang nito noong sila umano ay nagsasama pa.

Nagalit ang biktima sa pangungulit ng suspect kung kaya’t nagyaya na itong umuwi. Subalit kalalabas pa lamang ng tatlo ng biglang bumunot ng patalim ang suspect at walang sabi-sabing inundayan ng saksak ang biktima. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments