Sinabi ni Dave Catbagan, hepe ng Animal Quarantine sa NAIA, ang may 353 pirasong budgericars, ang tawag sa mga parrot na may katangi-tanging mga kulay sa katawan ay isinilid sa isang incinerator para sunugin malapit sa Miascor bonded warehouse kahapon.
Ayon kay Catbagan, lumabag umano ang importer nito dahil walang kaukulang permiso ang mga ibong ipinasok.
Isa pa umano sa dahilan kaya pinatay ang mga ibon ay dahil nagtataglay umano ito ng avian flu virus.
Dumaan kasi ang eroplano ng Kuwait Airlines flight KU-411 sa Bangkok, Thailand kaya nagduda ang mga awtoridad sa airport at baka may sakit itong taglay kayat agaran ang ginawang pagdidispatsa sa mga ito upang hindi na kumalat pa ang sakit sakaling positibo ngang may bird flu ang mga ito. Ang Bangkok, Thailand kasi ay isa sa mga bansang iniulat ng World Health Organization (WHO) na apektado ng bird flu.
Binigyang-diin pa ni Catbagan na ang mga hot cargo ay pinigil alinsunod sa kautusan ni DA Secretary Luis Lorenzo na pigilan ang pagpasok ng mga ibon, manok at iba pang poultry products mula sa Asian countries na apektado ng bird flu. (Ulat ni Butch M. Quejada)