Kano natagpuang patay

Isang 48-anyos na Kano ang natagpuang patay sa loob ng banyo ng tinutuluyang apartment kahapon ng umaga sa Pasig City.

Nakilala ang nasawi na si Norbert Michael Camara, mula sa Modesto California, USA at kasalukuyang naninirahan sa San Lorenzo Unit D ng Lolita Apartment sa Barangay Kapitolyo ng nabanggit na lungsod. Nagtamo ito ng dalawang malalim na saksak sa dibdib buhat sa hindi pa nakikilalang suspect.

Batay sa ulat ng pulisya, natagpuan ang bangkay ng biktima dakong alas-6:30 ng umaga sa loob ng banyo ng bahay.

Napag-alaman na nakita ng bayaw ng biktima na nakilalang si Manuel Padilla, isang retired policeman ang nakahandusay na biktima nang gagamitin na niya ang banyo.

Nauna dito, sandaling lumabas ng bahay si Padilla at sa pagbalik sa bahay ay doon nito natuklasan ang labi ng kanyang bayaw na dayuhan.

Malaki ang paniwala ng pulisya, na posibleng si Camara ang talagang target ng mga salarin dahil wala namang iniulat na nawala o ninakaw sa loob ng bahay nito.

Patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya ukol sa kaso. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments