Dumulog kahapon sa NBI-Anti-Organized Crime Division si Monina Nepomuceno, isa sa mga investors ng Country Waffles Holdings, Inc.
Sinabi nito na nahikayat siya nina Nievera na mamuhunan sa restaurant company ng mga ito kung saan nag-invest siya ng P14.5 million.
Dala rin ni Nepomuceno bilang mga ebidensya ang mga talbog na tseke na inisyu umano sa kanya ng mag-asawang Nievera na bayad umano sa kanya bilang tubo sa Country Waffle Restaurant Ayala-Alabang branch.
Inilahad nito na ang naturang mga tseke ay fixed income investment sa perang inilagak niya. Nagawa pa naman niyang ma-encash ang mga unang tseke na ibinigay sa kanya noong nakaraang Setyembre at hindi na nasundan sa mga sumunod na buwan.
Nitong nakaraang Disyembre 2003, magbubukas pa sana sila ng isa pang branch sa may Alabang pero bago mag-Pasko ay hindi na matagpuan ang mag-asawa na tumakas na pala papuntang Estados Unidos.
Matatandaan na lumitaw pa sa telebisyon si Carol Nievera na humihingi ng tawad sa kanyang mga tauhan at mga investors dahil sa kanilang pagtakas sa responsibilidad dahil sa pagkalugi umano ng kanilang negosyo.
Patuloy namang pinatatakbo ng mga empleyado ang unang restaurant ng Country Waffles sa Tagaytay City sa pag-aambagan ng kanilang pera.
Umaasa naman si Nepomuceno na maaksyunan agad ng NBI ang kaso laban sa mag-asawa at mapabalik ang mga ito sa Pilipinas sa pamamagitan ng extradition treaty sa Estados Unidos. (Ulat ni Danilo Garcia)