Nakaposas pa ang mga kamay ng biktimang si Dominga Chu, 67, nang matagpuan at masagip ng mga tauhan ng AFP-NCRC at NBI sa Brgy. Maligaya, Novaliches, Quezon City dakong alas-6:30 ng umaga.
Kinilala ni AFP NCRC Chief Gen. Alberto Braganza ang mga nasakoteng suspect na sina Edwin at Arnel Delfin, Dilmar Cawaling, Joselito Tamayo, Edwin Lagramada, Alejandro Moral, Ricky Lagardo, Arnold Graganza, Danilo Bernal at Anaceto Lagramada. Pawang mga miyembro ng Waray-Waray-KFR Gang na nag-ooperate sa Kalakhang Maynila at iba pang karatig lugar.
Nabatid naman kay Army Lt. Col. Domingo Tutaan, Jr.Operation Chief ng AFP-NCRC na natukoy ang kinaroroonan ni Chu sa tulong na rin ng GMA 7 reporter na si Jiggy Manicad matapos na isang testigo ang lumapit sa tanggapan ng nasabing television station at nagbigay ng kaukulang impormasyon.
Dahil dito agad namang kinontak ni Manicad ang AFP-NCRC kasunod ng paggawa ng rescue operation na nagresulta sa pagkakaligtas sa biktima.
Matatandaang si Chu ay dinukot ng mga kidnapper na armado ng .45 at .38 caliber noong Enero 21 sa Buendia Ave. sa Pasay City dakong alas-8:20 ng umaga. Humingi ang mga kidnapper ng P10 milyon ransom sa pamilya ni Chu kapalit ng kalayaan nito.
Wala namang naganap na shootout nang salakayin ng mga awtoridad ang pinagkukutaan ng mga suspect. (Ulat nina Joy Cantos at Rose Tamayo)