Obrero tinodas sa pagtatanggol sa kaibigan

Nasawi ang isang 28-anyos na obrero makaraang saksakin ito sa dibdib ng lasing niyang kapitbahay makaraang ipagtanggol nito ang kanyang matalik na kaibigan laban suspect, kamakalawa ng gabi sa Marikina City.

Hindi na umabot ng buhay sa Garcia Hospital ang biktimang si Ronaldo Budomo, ng Phase 1, Bonanza, Brgy. Parang, dahil sa tinamo nitong malalim na tama ng saksak sa kanyang dibdib.

Kasalukuyan namang pinaghahanap ng awtoridad ang suspect na kinilalang si Salvador Felipe, 27, trike driver at kapitbahay ng biktima.

Base sa ulat ng pulisya, dakong alas-6:30 nang maganap ang insidente kung saan habang naglalakad umano ang biktima at ang kaibigan nitong si Frederick Mendoza sa kahabaan ng Phase 1, Bonanza ay bigla na lamang tinukso ng suspect na bakulaw si Mendoza ngunit hindi umano nila ito pinansin.

Pagbalik umano ng dalawa ay naroroon pa rin ang suspect at ang grupo nito at muli na namang tinukso ang kaibigan ng biktima dahilan upang kumprontahin nila ang suspect.

Sa kainitan umano ng kanilang kumprontasyon ay biglang bumunot ng patalim ang suspect at agad na sinaksak sa dibdib ang biktima.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang suspect, habang isinugod naman sa nasabing pagamutan ang biktima subalit minalas na hindi na ito umabot pa ng buhay. (Ulat ni Edwin Balasa)

Show comments