Frat war: 2 sugatan

Dalawang high school student ang malubhang nasugatan makaraang pagbabarilin ang mga ito ng hindi pa nakikilalang grupo ng mga suspect na hinihinalang may kinalaman sa frat war na naganap sa loob ng bisinidad ng isang paaralan, kamakalawa sa Taguig.

Kapwa ginagamot sa Rizal Medical Center ang mga biktima na sina Jahira Utto, 15, at Alisaud Sumama, 16, kapwa taga-Building 5, Maharlika Condominium, Brgy. Maharlika Village, ng bayang ito at kapwa mag-aaral ng Taguig National High School. Nagtamo ang mga ito ng bala sa katawan buhat sa hindi pa batid na kalibre ng baril.

Mabilis namang nagsitakas ang hindi pa nakikilalang mga suspect matapos isagawa ang pamamaril.

Ayon sa imbestigasyon ng pulisya, naganap ang insidente dakong ala-1:20 ng hapon sa loob ng bisinidad ng Taguig National High School na matatagpuan sa A. Reyes St., Brgy. Lower Bicutan, Taguig.

Nabatid na sinalakay ng grupo ng mga suspect si Utto at pinagtulungang gulpihin at nagkataon na naroon din si Sumama.

Pinaputukan ng mga suspect si Utto at tinamaan naman ng ligaw na bala si Sumama, dahilan upang isugod ang mga ito sa nabanggit na pagamutan.

Labanan sa fraternity ang isa sa anggulong tinitingnan ngayon ng pulisya. Hanggang sa ngayon ay patuloy na iniimbestigahan ang naturang kaso. (Ulat ni Lordeth Bonilla)

Show comments