Lider ng 'Waray Gang', 2 pa arestado

Naaresto ang lider at dalawa pang mga miyembro ng notoryus na robbery-holdup na ‘Waray Gang’ na pawang mga suspect sa pagsalakay sa tahanan ni Sonny Parsons sa Marikina City noong nakaraang taon sa magkasunod na operasyon ng pulisya, kahapon ng tanghali.

Kinilala ang mga suspect na sina Edmundo Diolala alyas Beloy; Anthony Sagonoy alyas Tony; at Dionisio Landa, itinuturong lider ng nasabing grupo na may pangalang ‘Landay Group’ ng ‘Waray Gang’.

Ang tatlo ay naaresto sa isinagawang magkasunod na pagsalakay ng pulisya sa kanilang pinagkukutaang safehouse sa isang masukal na lugar sa Bagong Silang, Caloocan City.

Ayon sa pulisya, ang nasabing mga suspect ay pawang mga responsable sa serye ng highway robbery incidents sa North Caloocan.

Nabatid na mahigit na isang linggong minanmanan ng pulisya ang nasabing grupo matapos na biktimahin noong Enero 7, 2004 sina Aileen Onofre, Rosalinda Vallejo, Reynald Carpena at Rolando Dimandan.

Batay na rin sa ulat ng pulisya, ang mga ito ay pawang mga suspect din sa Indian national na si Gurmit Singh noong June 9, 2003 at pamamaslang sa isang Egilberto Escala noong Disyembre 23, 2003 sa Camarin, Caloocan City.

Pinaslang ng mga nasabing suspect ang biktima makaraang manlaban ito matapos nilang holdapin. (Ulat ni Rose Tamayo)

Show comments